Thursday, October 22, 2015

Trabaho


Mga kapanalig, ayon sa resulta ng Truth Survey ng Radyo Veritas, ang kawalan ng trabaho ang pangunahing concern o issue sa ating lipunan ngayon. Sa Luzon, Visayas, at Mindanao, halos kalahati ng mga respondents sa survey ang nagsabi nito.
Hindi naman nakapagtaka na naging ganito ang pulso ng bayan. Nuong nakaraang January 2012 naman po kasi, umabot sa 2.9 million o 7.2% ng 40.3 milyong Pilipinong kasama sa labor force ang walang trabaho. Kumpara sa iba pang bansa sa Asya, medyo naging kulelat nga po ang Pilipinas. Kung sa atin ay 7.2 ang unemployment rate, sa Indonesia, 6.6 percent lamang, habang 3.1 percent sa Malaysia, 2 percent sa Singapore, 0.4 sa Thailand, 4.1 sa China, at 3.7 percent sa South Korea. Ayon pa sa mga eksperto, medyo mahirap maka-alpas sa 7 percent na unemployment rate dahil nadadagdagan ng isang milyon ang bilang ng mge unemployed kada taon.

Importante po ang trabaho, mga kapanalig. Maliban sa ito ang pinagkukunan ng kabuhayan ng bawat isa sa atin, ito rin ay daan ng atin kaganapan bilang anak ng Diyos.
Hindi ho ba’t ayon sa Panlipunang turo ng Simbahan, partikular na sa Rerum Novarum ni Blessed Paul II,  “work bears a particular mark of man and of humanity, the mark of a person operating within a community of persons.” Ang trabaho ay nagbibigay sa atin ng kahulugan, at tinuturuan tayong makilahok sa ating mundong ginagalawan upang ipagpatuloy ang paglikha ng Panginoon. Ang trabaho ay hindi lamang nagbibigay ng pagkain sa ating katawan, ito rin ay nag-a-animate sa sa ating pagkatao.
Kaya’t malaking injustice, mga kapanalig, kung ang trabaho ay ipagkakait sa atin at sa ating kapwa. Bilang isang kristyanong lipunan, responsibilidad natin na gawing mas “responsive” ang ating ekonomiya, ang ating merkado, hindi lamang sa kultura ng konsumerismo, kundi sa bokasyon ng bawat manggagawa sa atin.
Mga kapanalig, dapat po nating isa-isip na tayo mismo ay may magagawa upang buhayin ang ating ekonomiya upang dumami pa lalo ang mga trabaho para sa ating lahat.
Unang-una, kailangan na po ng mindset change sa ating mga pamilya, paaralan at eskwelahan. Kailangan po natin palawakin ang ating mga opsyon at kurso para sa ating mga anak. Kung dati rati po puro medical courses ang pinapakuha natin sa ating mga anak, baka kailangan na po natin bigyang puwang ang iba pang kurso o skill na tunay na hilig ng mga kabataan, at tumutugon sa “unique” na pagtawag ng Panginoon sa kanila.
Maari rin po tayong mamumuhunan sa ating sariling bayan, upang makapagbigay din tayo ng trabaho sa iba. Maari din tayong magyakag ng mamumuhunan sa ating bansa.
Mga kapanalig, huwag tayong mag-atubili sa pagtulong sa paglawig ng employment opportunities sa ating bansa. Bilang kristyano, lahat tayo ay dapat makita na ang trabaho ay isang pundamental na dimensyon ng ating pagkatao. Kapag napabayaan natin ito, hungkag ang ating pagkatao, at mahihirapan tayong mamuhay ng may tunay na kaganapan.

1 comment: